Publication

CONGRESSMAN CAOAGDAN NANGAKONG TUTULONG SA MKWD

July 08, 2020 – Nagpulong sina Congressman Rudy S. Caoagdan kasama ang ilan sa kaniyang mga opisyal, District Engineer Elpidio Birog ng DPWH 2nd District at ang Board of Directors at pamunuan ng MKWD. Bilang pambungad, pinasalamatan ni MKWD General Manager Stella M. Gonzales ang mga panauhin sa pagtugon sa paanyaya ng MKWD. Mainit namang tinanggap ni Chairman of the Board Dr. Alfredo S. Villarico ang mga panauhin sabay pasasalamat na rin sa panahong ibinigay nila para sa MKWD. Sinundan ito ng presentasyon ng mga Catch up and Contingency plans ni Engr. Ramil A. Condez, MKWD Engineering and Construction Department Manager kung saan ipinaliwanag niya ang kasalukuyang kalagayan ng water sources ng MKWD at ang mga agarang aksiyon na ginagawa ngayon ng MKWD. Inilahad din ni Condez ang mga nakabinbing proyekto na makakapagpaniguro sa supply ng tubig sa darating na mga panahon.

Nagpasalamat naman si Congressman Caoagdan sa imbitasyon at sa presentasyon, dahil aniya, taliwas sa mga nababasa niya sa social media ang napagtanto niya sa presentasyon. Maliwanag na daw ang lahat sa kaniya sa ngayon hinggil sa tunay na mga kadahilanan at ang mga hamong kinakaharap ng MKWD, at gusto niyang makatulong dito.
Sa layon nitong makatulong sa pagpapaniguro ng supply ng tubig sa ikalawang Distrito ng Cotabato, kabilang sa mga ayudang ipinangako ng butihing Kongresista ay ang mga sumusunod:
1. Tulong sa pagpa-follow up sa P56.56M pondong inilaan ng NDRRMC sa MKWD.
2. Koordinasyon sa DPWH 2nd Engineering District upang makapagbigay ito ng teknikal na ayuda sa MKWD.
3. Posibleng paglaan ng pinansiyal na ayuda sa 2021 depende sa budget.
4. Siguradong pinansyal na ayudang nagkakahalaga ng P30M sa taong 2022.
5. Susubukang makatulong sa pagpapatupad ng agarang solusyon sa landslide sa Lawan area na sanhi ng palagiang pagkawala ng tubig sa malaking bahagi sa kasalukuyan.
Sinabi ni Dr. Alfredo S. Villarico, MKWD Chairman of the Board na sa kasalukuyan ay “palliative measures “ang prayoridad ng MKWD. Sinang-ayunan naman ito ni Caoagdan at binigyang diin na ang panakamahalaga sa ngayon ay makapagpadaloy ng tubig sa nangangailangang mamamayan.
Ipinaliwanag naman ni Assistant General Manager for Operations Engr. Wilesper Lisandro M. Alqueza na lubos na mahalaga talaga ngayon na maayos na ang bypass lines sa landslide area dahil umaabot sa higit 1000 NTU ang turbidity level kapag umuulan doon, samantalang hanggang 50 NTU lamang ang kaya ng mga filtration plants ng MKWD. Sinabi din ni GM Gonzales na tinatayang aabot sa P10M ang kakailanganin para pa lamang sa mga tubong gagamitin sa bypass lines upang maiwasan ang landslide area.

Napagkaisahan sa pagpupulong na magpapadala ng pangkat ang DPWH sa Lawan landslide area upang masuri ito, makita ang mga ginagawa ngayon ng MKWD doon at makapagbigay ng teknikal na report ukol dito. Bilang pagtatapos, sinabi ni Congressman Caoagdan na makipag-ugnayan lamang sa kaniya ang MKWD anumang oras upang maayos na maisakatuparan ang mga napag-usapan sa naturang pagpupulong.