Publication

MKWD IPINALIWANAG SA SANGGUNIANG BAYAN NG MAKILALA ANG KASALUKUYANG ESTADO NG PATUBIG SA MUNISIPYO

Tinugunan ng pamunuan ng MKWD sa pangunguna ni General Manager Stella M. Gonzales ang paanyaya ng Sangguniang Bayan ng Makilala sa isang pagpupulong noong July 7, 2020. Sa question hour ng sesyon inihayag ni Engr. Ramil Condez ang kasalukuyang sitwasyon ng patubig sa Makilala pati na ang mga plano ng MKWD upang maiangat ang serbisyo sa naturang munisipyo. Unang iprinesenta ni Condez ang mga isyung kinakaharap, kaakibat na ang mga agarang solusyon ukol dito.
Matapos ang presentasyon, isa-isang sinagot ng MKWD ang mga katanungan ng mga konsehal. Una, ay kung kailan magiging normal ang supply ng tubig sa Makilala. Ayon pa kay Engr. Wilesper Lisandro M. Alqueza, AGM for Operations ng MKWD, mapapaniguro na ang pagkakaroon ng normal na supply ng tubig sa Makilala kapag naimplementa na nito ang mga proyektong nakapaloob sa LWUA-ADB projects na sa kasalukuyan ay unti-unti nang ipinapatupad. Dagdag pa ni Alqueza, 65% ng kabuuang halaga ng proyekto ay nakalaan sa mga proyektong para sa Makilala. Sa kasalukuyan, nakakapagsilbi na sa malaking bahagi ng Makilala ang Ilian at Puwagan Spring Source, kahit hindi pa ito tuluyang nakakabawi sa pinsalang dala ng nakalipas na lindol. Aniya, may mga bagong water sources din na planong magpaniguro ng supply dito, tulad ng Notongon at Matibogo, bagamat ang sa Notongon pa lang sa kasalukuyan ang prayoridad na proyekto. Ipinaliwanag din ni Engr. Elben Dauipa ang mga katanungan patungkol sa kasalukuyang estado ng tubig sa Makilala.
Ipinahayag din ni GM Gonzales na kasalukuyan nang pinoproseso sa pakikipag-ugnayan sa National Commission for Indigenous Peoples (NCIP) ang Free and Prior Informed Consent (FPIC) para sa Notongon at kung sakali mang ikokonsidera na ng MKWD ang Matibogo, ay sasailalim din ito sa parehong legal na proseso. Bibisitahin ng pamunuan at teknikal na pangkat nito ang Notongon ngayong Biyernes upang aktwal na mainspeksiyon ang Notongon Source, dito din kasi nakasalalay ang pagpapatuloy ng proyekto sa Matibogo sapagkat magkaugnay ang proyekto sa dalawang water sources. Nang tanungin kung may nakaamba bang pagtaas sa singil ng tubig at may plano ba ito sa pagpapalawig ng nasasakupan, sinabi ni GM Gonzales na nakabinbin pa ang pagtaas sa singil sa ngayon dahil sa samu’t-saring mga kadahilanan, habang nasa target pa rin ng MKWD ang karagdagang 26 na Barangay na mapagsilbihan nito sa hinaharap. Dagdag pa dito, ang implementasyon ng water rate adjustment ay ipapatupad lamang kapag narelease na ang LWUA-ADB Loan.
Bilang pagtatapos, sinamantala na rin ni Engr. Alqueza ang pagkakataon na maihayag sa konseho ang posibleng mahalagang partisipasyon nito sa seguridad ng sapat na tubig sa hinaharap. Ayon pa kay Alqueza, isa ang Puwagan Spring Source sa Barangay Batasan sa mga pinakamatagal makarekober na water sources ng MKWD kapag dumadaan ang tagtuyot. Malaki umano ang maitutulong ng konseho ng Makilala kung makakapagpasa ito ng suportang palisiya tulad ng pagdedeklara ng malawak na mga lupaing nakapalibot dito na “Community Watershed area”, at makapag-implementa ng malawakang reforestation. Napagkasunduan naman ng dalawang panig na masinsinang talakayin ang usaping ito sa ibang panahon.