MKWD NAGSAGAWA NG PRESS CONFERENCE

June 8, 2020 – Dinaluhan ng 15 na mga mamamahayag at broadcaster mula sa iba’t-ibang ahensiya ng media sa lungsod. Sinimulan ang naturang pagtitipon sa pamamagitan ng pagpapalabas ng isang video clip na nagpapakita ng aktwal na sitwasyon sa Lapaan Headwaters sa Saguing kung saan ito ang sanhi ng hindi regular na supply ng tubig na nararanasan natin sa ngayon. Bilang salitang pambungad, isinalaysay ni MKWD General Manager ang kasalukuyang problema at mga hakbang na ginagawa ng pamunuan upang matugunan ito. Binanggit din ni GM Gonzales na nabuksan na ang dalawang Ilian intake Box A noong April 19 at Box B noong June 4 lamang. Bilang pagtatapos, pinaliwanag din niya na hindi intensiyonal ang kakulangan ng tubig sa ngayon, sadyang hindi lang talaga natin kontrolado ang kalikasan at ang pangunahing mandato ng MKWD ay ang paghahatid ng de-kalidad na serbisyo.

Isang report din sa tunay na sitwasyon ng Ilian Spring Source ang komprehensibong ipinresenta ni Engr. Ramil Condez. Ipinaliwanag ni Condez sa pamamagitan ng pagpapakita ng ilustrasyon kung bakit nagkukulay putik ang tubig sa tuwing umuulan. Ito ay dahil sa paguho ng lupa 1.5 kilometro ang layo mula sa Ilian dam. Binigyaang diin din ni Condez na matagal nang nakaplano ang pagsasaayos ng patubig ng MKWD, bago pa man magkalindol, katunayan may nakahanda nang limang project packages na kinapapalooban ng mga proyekto mula sa source development, filtration, clarifier, sedimentation facilities at paglatag ng mga main at transmission lines, hanggang makarating ang koneksiyon sa mga bahay-bahay.

Matapos nito, nagumpisa na ang forum, at ang mga sumusunod ang naging daloy ng mga katanungan at kaakibat na mga kasagutan:

1. Usap-usapan sa social media ngayon na walang ginagawa si GM.
Sagot- Ginagawa ng pamunuan ng MKWD ang lahat upang maayos sa lalong madaling panahon ang kakulangan sa supply ng tubig.

2. Ano na ang development ngayon ng “Worth P82M damaged lines” na sinira ng nagdaang serye ng lindol?
Sagot- Mula sa pagbaba sa 13% kapasidad ng MKWD nang tamaan tayo ng pinakamalakas na lindol noong October 31, ay naiangat na ito ng MKWD sa 75% noong December 05, 2019. May tatlong sanhi kasi ng problema natin sa tubig ngayon: Una, ang serye ng mga lindol, sinundan ito ng 122 na araw na “dryspell” at mas pinalala pa ito nang gumuho ang 2.5 hektarya ng lupa patungo sa ilog Saguing kung saan doon nagmumula ang ipinopondong tubig ng Lapaan dam facility.

3. Bakit hindi nag-iimbita ng investors ang MKWD? Anu-ano ang pros and cons ng “privatization”?
Sagot: Ang MKWD ay isang Government-owned and Controlled Corporation. Ang pinakamalapit na pupwedeng pasukin ng MKWD sa hinaharap ay Private-Public Partnership (PPP). Walang privatization na pinag-uusapan sa antas ng pamunuan ng MKWD. Ang maari lamang mangyari ay ang pakikipagpartner ng MKWD sa isang “bulk water provider”. Kasalukuyan itong pinag-aaralan pa ng MKWD. Ayon pa kay Chairman of the Board Dr. Alfredo S. Villarico “Privatization will not happen to MKWD. Not under my term, not under my watch.”

4. Itutuloy pa ba ng MKWD ang rate hike?
Sagot: Hindi sa panahong ito. Hindi ito napapanahon dahil sa serye ng mga kalamidad na krisis na kinasadlakan ng ating mga kababayan. Wala pang rate increase na ipinapataw ang MKWD. April 2020 sana natin ito ipapatupad, pero dahil sa COVID-19 ay atin itong ipinagpaliban.

5. Narelease na ba ang P561 Million na loan ng MKWD sa LWUA-ADB?
Sagot: Hindi pa. Sakali mang marelease ito ay paunti-unti at hindi buong halaga ang pagrelease nito dahil per project package ito.

6. Pwede bang Makita ang Financial Statement ng MKWD?
Sagot: Ang MKWD ay tumatalima sa ipinag-uutos ng Freedom of Information na batas. Transparent po tayo sa ating mga transaksiyon. Walang itinatago ang MKWD, at COA-audited ang ating Financial Statement.

7. May mga alegasyon po na mismanaged daw ang MKWD at kailangan nang palitan ang pamunuan nito?
Sagot: Wala sa kahit saang aspeto ng aming operasyon ang tinutukoy na mismanagement. Ang ating MKWD ngayon ay nasa pinakamataas na antas na maaaring maabot ng isang Water District ayon sa panuntunan ng LWUA-DBM. Ang problema natin ngayon sa kakulangan ng supply sa tubig ay sanhi ng di natin kontroladong mga kalamidad. Hindi nagkulang ang water district sa pag-aksiyon at pagtugon sa mga problemang kinakaharap nito. Hindi rin matatawaran ang kapasidad ng ating mga propesyonal na empleyado na bihasa na sa kani-kanilang mga asignatura.

8. Totoo bang panay ang foreign travel ng mga opisyales ng MKWD?
Sagot: Simula umupo bilang Chairman of the board si Dr. Alfredo S. Villarico ay tinanggal na ang budget sa foreign travel.

9. Kapag mahaba ang tag-init, nawawala ang tubig. Bakit kapag umuulan, nawawala pa rin ang tubig?
Sagot: Ang pagpapapdaloy ng tubig ng MKWD ay depende rin sa “turbidity level” nito. Kusang pinapatay ang supply kapag malabo at marumi ang tubig. May certain level lamang ng “turbidity” na maaaring padaluyin ang tubig. Ito ay ginagawa upang maprotektahan ang kalusugasn ng mga konsumidores.

10. Mayroon bang plano ang MKWD upang matugunan ang mga problemang kinakaharap, at napaghandaan na ba nito ang karagdagang pangangailangan sa tubig sa darating pang mga panahon bunsod ng paglaki ng populasyon at mga negosyong papasok sa kinasasakupan nito?
Sagot: Ang MKWD ay may 15-year development plan. Nakalahad dito lahat ng mga projections at mga plano sa pagpapalawig ng mga linya at pagpapalaki ng supply. Nasa plano ring ito ang mga pinansiyal at operasyonal na paghahanda. Ang problemang kinakaharap ay isang emergency at tinutugunan naman natin ngunit natatagalan lamang ang implementasyon sa hirap ng daan patungo sa mga nasirang sources; pahirapan pa ang paghahatid ng mga materyales dahil mano-mano itong binubuhat ng mga tao sa matatarik na daan.

11. May mga konsiderasyon po ba tayo sa koleksiyon at mga billing, lalo na sa di makabayad sa takdang panahon?
Sagot: Buwan pa lang ng Marso, extended na ang due date ng ating billing. Walang penalty, pero patuloy pa rin ang billing sa lahat ng konsumidores.

Nagtapos ang PressCon 12:30 ng tanghali. Ang inyong walang-sawang suporta ay lalong nagpapabilis sa paghahatid natin ng mas maayos na serbisyo.

Para sa karagdagang impormasyon, mangyari po lamang makipag-ugnayan sa mga numerong ito:

ENGR. ELBEN S. DAQUIPA – 09338512810
TOTONG BARON – 09338507929
CHARLIE P. LUMAGOD – 09338507930
JONATHAN AGBON – 09333719797
OPERATOR – 09101603733