MKWD UPDATE SA GINAGAWANG ILIAN WATER SOURCE

June 10, 2020 – Binisita ng 24 na piling kawani ng MKWD ang Ilian Water Source bilang bahagi ng pagmomonitor nito ng kalagayan ng mga pagsasaayos na isinasagawa doon. Kinabibilangan ito ng pamunuan ng ahensiya sa pangunguna nina GM Stella M. Gonzales at AGMO Wilesper Lisandro M. Alqueza, iba pang mga enhinyero at mga technical staff ng MKWD. Dumaan din ang naturang grupo sa Lapaan Treatment Plant Facility nang pauwi na, upang masuri na rin ang kalagayan ng planta. Naabutan naming nililinisan ng nasa sampung manggagawa ang filter chamber upang mapatubigan at makapagsuplay ng tubig. Sumama din ang isang batikang brodkaster ng 105.7 JOY-FM na si Loreto “Kuya Loy” Rosario. Sa isang pakikipagusap kay “Kuya Loy” sinabi niyang tunay nga palang napakahirap ng daan patungo sa Ilian source. Nagpasalamat siya na nakasama siya sa grupo, dahil ngayon napagtanto na niya at aktwal na naranasan ang sinasabi ng MKWD na hindi nagiging madali ang mga pagkukumpuni dahil liban sa hirap ng daan, ay pahirapan din ang pagdadala ng mga materyales sa area tulad ng mga semento, buhangin, bakal at mga tubo na manu-manong binubuhat, isa-isa dinadala sa construction site.

Alas-7:45 ng umaga, nagtipon sa MKWD covered court ang grupo at galak na umalis. Alas 8:12, narating ng grupo ang Sitio Embasi, Barangay Perez. Mula dito, sinimulan na nilang baybayin ang madudulas na daan, na sa gilid pa ay mga matatarik na bangin na mas pinakitid pa ng mga nagdaang landslide. Patungo sa area, nilakad ng team ang halos puro paakyat na madulas na daan. Mabuti na lang hindi umuulan. Bandang alas-10:00 na nang makarating ang buong team sa Ilian water source. Napapalibutan ng naglalakihang kabundukan ang camp site ng mga mangagawa. Kitang-kita ang nakakakilabot at nakakamanghang pagguho ng kabundukan. Parang langgam lang kaliit ang mga taong naabutan naming nagtatrabaho. Sadya nga palang napakadelikado ng sitwasyon doon. Paano kung biglang lumindol ng malakas? Papano kung biglang gumuho ang lupa at gumulong ang mga batong kasing-lalaki ng bahay patungo sa mga manggagawa natin na nasa gitnang bahagi ng kambal na kabundukan.

Sa isang panayam kay Datu Sanchy I. Lopez isa sa mga naunang nakaresponde at umayos sa nasirang water source, kahit mga residenteng hinimok niya na magtrabaho doon ay tumanggi sa simula dahil sadyang matataya ang buhay nila; pero nahimok din niya ang mga ito di naglaon, sabay pagpapaliwanag na pinakaimportante ang makatulong at maibalik ang supply ng tubig sa lalong madaling panahon.

Pagkatapos mananghalian ay dali-daling umuwi na ang grupo dahil nagbabadya na naman ang ulan. Makulimlim ang panahon at payo ng mga katutubo ay huwag na magpaabot ng ulan dahil sadyang mas delikado at mas mahirap ang pauwi. Kung gaano kahirap ang papunta, ay mas mahirap pa pala ang pauwi dahil halos puro pababa na ang daan. Nakailang pahinga din ang grupo bago muling narating ang Sitio Embasi.

Ayon kay Engr. Kelvin E. Rupisan Construction Division Manager ng MKWD sa Ilian, nakatakdang paganahin ang isa na namang linya ng Ilian ngayong June 15, 2020. Ito ay magbibigay ng karagdagang supply ng tubig sa mga konsumidores sa Kidapawan.

Bukas po ang MKWD sa sinumang media personnel na gustong bumisita sa Ilian Water Source. Mangyari po lamang makipag-ugnayan sa ating tanggapan.