MINDANAO DEVELOPMENT AUTHORITY AT METRO KIDAPAWAN WATER DISTRICT PUMASOK SA ISANG KASUNDUAN

June 5, 2020 – Binisita ni Mindanao Development Authority (MinDA) Chairperson Manny Piñol ang tanggapan ng Metro Kidapawan Water District. Sa isang pagpupulong kasama ang pamunuan ng Metro Kidapawan Water District (MKWD) na Kinabibilangan nina MKWD Chairman of the Board, Dr. Alfredo Villarico, General Manager Stella Gonzales at Assistant General Manager for Operations Wilesper Lizandro Alqueza, ay nabuo ang isang agarang kasunduan sa pagitan ng dalawang ahensiya. Sinimulan ang pagpupulong sa isang presentasyon ng mga problemang kinakaharap ng MKWD kaakibat na ang mga akmang solusyon ukol dito.

Ayon kay Chairperson Piñol, may tatlong kadahilanan ng kaniyang pagbisita at pakikipagpulong; una bilang Kidapaweño, Ikalawa gusto niyang marinig ang panig ng MKWD sa mga pagsubok na kinakaharap nito ngayon, at pangatlo ay gusto niyang makatulong sa pamamagitan ng MinDA. Ipinaliwanag ni DR. Villarico ang mga kadahilanan kung bakit may problema sa supply ng tubig ngayon. Ibinahagi din ni GM Gonzales ang mga hakbang na ginawa, kasalukuyang ginagawa at mga gagawin pa ng MKWD upang mabigyan ng karampatang solusyon, at makapagbigay na ng tuloy-tuloy at de-kalidad na serbisyo sa mga nasasakupan ng kanilang operasyon. Nabigyang linaw naman ni Alqueza ang mga teknikal na katanungan ni Piñol, at sinabi ng huli na mas makakabuting ituring ng MKWD na malaking hamon ang kinakaharap nito sa kasalukuyan.

Bago matapos ang pagpupulong, sa pangunguna ni Chairperson Piñol, ay agad napagkaisahan ang isang agarang kasunduan na makakatugon sa teknikal na aspeto ng problema. Nag-alok si Piñol na bibigyan nito ng mga dalubhasang consultant sa patubig ang MKWD para pag-aralan ang problema at magawan ng disenyong pangmatagalan ang waterworks ng MKWD. Dagdag pa ni Piñol, bilang ayuda, sasagutin ng MinDA lahat ng gastusin na kakailanganin sa Consultancy mula sa mga insidental na gastusin ng mga Consultants hanggang sa propesyonal na bayad sa mga ito. Sinabi din ni Piñol na bukas ang opisina niya sa MKWD at maari niyang matulungan ito na makahanap ng pondo para sa mga proyekto sa hinaharap. Masayang nagtapos ang pagpupulong na dala ni Piñol pabalik sa kaniyang tanggapan ang letter of intent ng MKWD.

Abangan po natin ang progreso ng usaping ito.

Mabuhay ka MinDA Chairperson Emmanuel Piñol.