MKWD NAGSAGAWA NG MONITORING SA ILIAN WATER SOURCE PROJECT


June 29, 2020 – Tinahak ng 25 na kawani ng MKWD ang matatarik at madudulas na mga daan patungo sa Ilian Water Source. Pinangunahan ito ni MKWD General Manager Stella M. Gonzales at mga inhinyero kabilang na ang mga technical staff ng MKWD. Sumama din sa pangkat ang dalawang mediamen mula Ronda 106.1-FM upang maidokumento ang progreso ng proyekto sa naturang water source.
Sa panayam kay Engr. Kelvin E. Rupisan, Construction Division Manager, nasa 86% na ang proyekto sa Ilian at inaasahang makukumpleto ito ngayong katapusan ng Hulyo. Finishing works at slope protection na lang ang tinatapos ng mga manggagawa doon sa kasalukuyan. Sa hinaharap magkakaroon din ng malawakang “tree planting” sa palibot upang mapanumbalik ang sigla ng kalikasan sa Ilian. Makikinabang ang karagdagang bahagi ng Makilala at Kidapawan kapag ganap nang gumagana ang proyekto dito.
Bagama’t bihira na ang mga pagyanig na nararanasan, sinabi ni Datu Sanchy I. Lopez, kontraktor at lider ng mga manggagawa sa Ilian, na buong ingat pa rin silang nagtatrabaho dahil may mga malalaking bato pa rin na alinmang oras ay maaaring pagulungin ng kahit na kaunting pagyanig. Dagdag pa ni Datu Lopez, may mga bahagi rin ng kabundukang pumapalibot sa Ilian source na pinangangambahan nilang gumuho, subalit di na raw nito aabutin ang mga naestablisa nilang mga linya.