Articles

Tagbac, Marbel at Kalaisan Impounding Structures pinasinayaan

Pormal nang pinasinayaan noong Agosto 23, 2021ang tatlong katatapos lamang na tig-300 cu.m. na impounding structures ng Metro Kidapawan Water District. Nagkaroon ng maikling programa sa bawat proyekto matapos itong mabasbasan. Unang pinasinayaan ang Tagbac Impounding Structure sa Barangay Tagbac Magpet, Cotabato. Sinundan ito ng nasa Barangay Marbel, Kidapawan at panghuli naman ang sa Barangay Kalaisan, Kidapawan City. Si GM Stella M. Gonzales ang nagbigay ng pambungad na pananalita sa tatlong magkakahiwalay na programa. Pinasalamatan niya ang mga bisita, mga lider ng barangay na dumalo pati na ang mga may-ari ng lupa na nagbigay ng pinagtayuan ng mga istruktura. Ayon pa kay GM Gonzales, bagama’t tapos na ang mga pasilidad, ay nasa 50% pa lamang ang operasyon nito sapagkat gravity pa lamang ang nagbibigay ng pwersa sa mga tubo. Aniya may mga kailangan pang ayusin sa elektripikasyon upang maikabit ang booster pumps para makapagbigay ng mas malakas na pressure at maihatid ng maayos sa benepisyaryong mga Barangay ang patubig.
Panauhing pandangal naman si Kidapawan City Information Officer Atty. Paolo M. Evangelista sa inagurasyon ng mga proyekto sa Kidapawan City. Ayon pa kay Evangelista ang mga proyekto ng MKWD ay sumisimbolo na ginagawa natin ang lahat para sa taumbayan. Pinasalamatan din niya ang MKWD sa mga pagsisikap nito at sa pakikipagtulungan sa City Government. Aniya, maaasahan ng MKWD ang suporta ng City Government ng Kidapawan. Si MKWD Chairman of the Board of Directors Dr. Alfredo S. Villarico naman ang nagbigay ng pangwakas na pahayag sa programa sa tatlong project sites. Pinasalamatan ni Dr. Villarico ang yumaong LWUA Administrator na si Jeci Lapus. Naging instrumento umano ang huli upang mapondohan at maipatupad ang mga kasalukuyang proyekto ng MKWD. Nagpaalala din siya na sa panahon ngayon, kooperasyon ang kinakailangan at iwasan ang mga batikos at hindi pagkakaisa. Ayon pa kay Villarico, hindi magpapahinga ang water district, at hindi ito titigil hanggat hindi naibibigay ang pinakamagandang serbisyo sa nasasakupan nito.
Nagsalita rin sa mga programa ang kani-kaniyang mga opisyales ng mga Barangay na makakabenepisyo sa nasabing mga proyekto. Nakadalo sa magkakahiwalay na okasyon sina Barangay Chairmen Jeffray S. Balaoro ng Marbel, Zacarias dela Cruz ng Sikitan, Nilo Barete ng Kalaisan, Baltazar Daplinan ng Maceboleg, at Cristituto Sarigumba ng Junction. Lubusan ang pasasalamat ng mga Kapitan ng Barangay sa MKWD sa magandang resultang hatid ng mga proyektong pinasinayaan sa kani-kanilang mga Barangay. Gumanda na umano ang supply ng tubig mula nang naitayo ang mga ito.
Maaaring larawan ng outdoorsMaaaring larawan ng 3 (na) tao, mga taong nakatayo at outdoors