Publication

PUWAGAN SPRING SOURCE SA BATASAN ININSPEKSIYON NG PAMUNUAN NG MKWD

July 1, 2020 – Ininspeksiyon ng pamunuan ng MKWD sa pamumuno ni General Manager Stella M. Gonzales at ng nasa tatlumpung mga kawani nito ang Puwagan Spring Source sa Purok 4, Barangay Batasan, Makilala. Ang spring source na ito ay nagsisilbi sa malaking bahagi ng Upper Poblacion, at Malasila, Makilala. Bago pa man ang serye ng mga lindol, nakakapagsupply ito ng 52 liters per second (LPS) na tubig, subalit bumaba ito ng hanggat 40% dahilan ng mga pagkasirang idinulot ng lindol. Nasa 29 (LPS) na lamang ang isinusupply nitong tubig sa ngayon. Madaling maapektuhan ng tagtuyot ang Puwagan Spring dahil maliit na area lamang ang watershed area na minimintina ng MKWD, at hindi na nila kontrolado ang mga nasa labas nito. Nakita din sa naturang inspection na may mga bagong tagas sa intake boxes.
Bunsod ng mga napag-alamang alalahanin, nagpulong sina GM Gonzales at Technical Team ukol sa mga dapat gawin. Pagkatapos nito agad namang nagbigay ng sumusunod na tagubilin si Assistant General Manager for Operations Wilesper Lisandro M. Alqueza sa mga inhinyero: Magsagawa ng pang-araw-araw na pagmomonitor ng level ng tubig sa apat na intake boxes. Magtatag ng nursery para sa malawakang reforestation activities sa nalalapit na hinaharap. Takpan agad ang mga tagas sa mga boxes. Magbalangkas ng panukala na pag-isahin ang hiwa-hiwalay na mga agos mula sa spring at gumawa ng isa pang intake box sa lalong madaling panahon para sa karagdagang imbakan. Aniya, malaki ang maitutulong nito sa pagpapanumbalik ng dami ng supply mula Puwagan. Sa tuwing nakakaranas kasi ng tagtuyot, inaabot pa ng dalawa hanggang tatlong buwan bago ito makabawi.
Binisita din ng grupo ang treatment facility ng naturang spring source. Ikinasa na rin ang plano sa agarang pagsasaayos ng security fence nito para maprotektahan ito at maiwasan din ang mga hindi inaasahang pangyayari.