Articles

Notongon Intake Development Project may Certification Precondition na mula sa NCIP

Pinal nang ginawaran ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) En Banc ang aplikasyon ng Metro Kidapawan Water District para sa Certification Precondition sa Notongon Intake Development Project sa Barangay Buhay, Makilala sa pamamagitan ng isang Virtual Conference noong June 30, 2021. Ang Notongon Project na magsusupply ng tubig sa Makilala ay itatayo sa lupang ninuno ni Datu Rama Lopez kung saan matatagpuan ang Notongon Water Source. Sa isang panayam, sinabi ni Datu Rama na ikinagagalak niya ang naturang desisyon ng NCIP na bagama’t inabot din ng taon ang proseso dahil sa aberyang dulot ng lindol at ng pandemiya, ay naibigay na rin. Sinabi din ni Datu Sanchy Lopez, isa sa mga lider ng 4Bs CADT na ikinagagalak ng tribo ang desisyong ito sapagkat magbubukas ito ng panibagong oportunidad pang-ekonomiya sa komunidad. Ani Datu Sanchy, ang pangunahing layon ng kanilang pag-aalok ng Notongon sa MKWD ay upang makatulong sa kasapatan ng supply ng tubig para sa Makilala. Pinanguluhan ni NCIP Chairman Allen A. Capuyan, kasama ang iba pang mga NCIP Commissioners ang deliberasyon. Dumalo din ang pamunuan ng 4Bs CADT Makilala na pinamumunuan ni Datu Bienvenido Macalos bilang Chairman. Sampung opisyales naman ng Buhay Indigenous Cultural Community (ICC) ang dumalo, samantalang ang NCIP naman ay pinangunahan nina Chief Technical Management Services Division ng NCIP Region XII Joey L. Bogay at ni Cotabato Provincial Officer Eric Raz, at ilan pang mga kasama sa ahensya. Nirepresenta naman ni GM Stella M. Gonzales ang MKWD, kasama sina Assistant GM for Operations Engr. Wilesper Lisandro M. Alqueza, Engr. Ramil A. Condez Engineering and Construction Department Manager, at Forester Noli Baquid ng Watershed

Management Unit. Ipinresenta ni Engr. Alqueza ang inihandang mga datos at ipinaliwanag ang mga karagdagang impormasyon na hiniling ng NCIP kamakailan. Nabigyang liwanag naman ni GM Gonzales lahat ng mga katanungan ng komisyon, at napagbigyan ang ilang karagdagang alituntunin na gagampanan ng MKWD sa komunidad. Matapos ang kani-kaniyang mensahe ng mga Commissioner, ay iginawad na nga nito ang Certification Precondition sa MKWD para sa Notongon project. Pinasalamatan ni GM Gonzales ang komisyon at ipinaniguro nitong palaging poprotektahan ng MKWD ang interes ng mga partner ICC/IPs nito. Galak namang nagpalakpakan ang mga IC

C/IPs na dumalo, at sinabi ni Datu Rama na ikinagagalak nila ang magandang simulaing ito para sa kaunlaran ng kanilang komunidad at sa bayan ng Makilala. Bilang pagtatapos, sinabi ni Gonzales na ngayong may sertipikasyon na mula sa NCIP, ay tututukan na ng MKWD ang agarang implementasyon ng proyekto sa Notongon nang naaayon sa tamang proseso. -ALAS